Sasabak ang bayan ng Buguey Cagayan sa gaganaping Food Expo Pro 2024 sa Hong Kong Convention and Exhibition Centre, Wanchai Hong Kong sa darating na Agosto 15-17, 2024.

Sa impormasyong ibinahagi ni Buguey Mayor Licerio Antiporda III, nabigyan ng pagkakataon ang kanilang bayan upang ibida ang kanilang ipinagmamalaking seafoods katulad ng crabs at malaga sa International Food Exhibition (IFEX) Philippines na isa sa signature event ng Center for International trade Expositions and Missions.

Sinabi pa nya na ito ay malaking hakbang para sa bayan ng Buguey dahil hindi lamang nito itinatampok ang mga produkto ng lugar kundi nagbubukas din ito ng oportunidad para sa mga lokal na magsasaka at mangingisda na makilala ang kanilang mga produkto sa ibang bansa.

Kasama ng LGU Buguey ang ibang mga kilalang lugar na mayaman rin sa seafoods at iba pang produkto na sasabak, gaya ng Siargao Bounty Seafoods at Raspina Tropical Fruits Inc. mula sa Mindanao.

Ang bayan ng Buguey ay Kilala bilang kauna-unahang Mangrove Crab Hatchery sa buong bansa at sa ipinagmamalaki nitong fishery heritage dahil sa pagkakaroon ng malawak na brackish river.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Hong Kong Food Expo Pro 2024 ay dadaluhan ng 100 na delegasyon kung saan ibibida ng mga industry player ang kanilang Food & Beverage Products, Food Packaging, Labeling & Logistic Services, Food Processing Products, Machinery & Related Services, Food Science & Technology, at Halal Food & Beverage Products.