TUGUEGARAO CITY-Pansamantalang hindi pinapayagang dumaan ang mga light vehicles sa bayan ng Claveria partikular sa Barangay Mabnang dahil sa nararanasang pagbaha.
Ito’y resulta nang tuloy-tuloy na buhos ng ulan dahil sa nararanasang Northeast monsoon o amihan.
Ayon kay PSSG Cesar Richie Udaundo ng PNP-Claveria, magdamag silang nakaranas ng pag-ulan na sanhi ng paglaki ng ilog kung saan ilang parte ng kalsada ang nalubog sa baha na umabot hanggang beywang.
Aniya, mababa umano ang lugar kung kaya’t madalas itong bahain.
Nagkaroon naman ng bahagyang trapiko matapos tumirik ang isang sasakyan nang magpumilit na dumaan sa tubig-baha.
Nabatid na wala namang kabahayan ang apektado sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Kaugnay nito, sinabi ni Udaundo na asahan na agad namang huhupa ang baha dahil bahagya na umanong tumila ang ulan sa nasabing lugar.