TUGUEGARAO CITY-Nagdeklara ng Persona-Non-Grata ang bayan ng Rizal, Cagayan laban sa New Peoples Army (NPA).
Ayon kay Atty. Joel Ruma, bise alkalde ng Rizal, gumawa ng joint resolution ang kanilang Sanguniang Bayan member at Sanguniang Kabataan (SK) kasama ang LIGA ng Barangay para labanan ang insurhensiya lalo na sa Zinundungan Valley na matatagpuan sa liblib na lugar.
Aniya, napabilang ang bayan ng Rizal sa programa ng National Government na End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) kung kaya’t bilang tugon ay nagdeklara ang kanilang bayan ng Persona-Non-Grata.
Samantala, ikinadismaya ng bise alkalde ang impormasyon na walang nailaang pondo para sa kasalukuyanag ginagawang kalsada sa Zinundungan Valley sa taong 2020.
Aniya, bagamat mayroong pondo na nagkakahalaga ng P76 milyong ang nailaan sa kanilang munisipalidad ngayong taon para sa pagsasaayos ng daan lalo na sa nabanggit lugar, ikinalungkot naman nito na sa susunod na taon ay wala na itong pondo.
Dahil dito, sinabi ni Ruma na maaaring maantala ang pagsasaayos ng daan dahil sa nasabing pangyayari at mas lalong mahihirapan ang mga residente maging ang mga nais magpaabot ng tulong na marating ang lugar.
Sa kabila nito, umaasa si Ruma na bago matapos ang termino ng Duterte Administration ay matatapos na ang nasabing daan para sa ikakaunlad at ikakaginhawa ng mga residente sa lugar.