Tuguegarao City- Minononitor ngayon ng Cagayan Provincial Health Office ang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Baggao at Solana.

Sinabi ni Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer ng Cagayan na ito ay matapos na makitaan ng posibilidad na maaaring matulad sa nangyaring pagdami ng kaso sa bayan ng Enrile dahil sa local transmission.

Aniya, bukod sa naitalang 53 aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao ay sumusunod sa may pinaka maraming kaso ngayon ang bayan ng Solana na may 17 cases at sa Baggao ay 11.

Sinabi ni Dr. Cortina na patuloy ngayon ang contact tracing ng mga otoridad sa posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kabilang pa sa naidagdag ang tig-isang active case sa mga bayan ng Iguig, Sto. Niño at Sta. Teresita habang tatlo naman sa Peñablanca.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa huling datos ng PHO ay sumampa na sa 995 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus sa probinsya kung saan 61% ang asymptomatic at 39% naman ang symptomatic.

Mula sa nasabing bilang ay 83 ngayon ang active cases ng COVID-19 sa probinsya.

Sinabi pa ni Dr. Cortina na mas mababa sa 1% ang positivity rate ang resulta ng mga isinailalim sa aggressive community testing sa Tuguegarao kamakailan.

Ayon sa kanya ay mababa ito kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng mga kinuhanan ng swab samples sa lungsod ng Tuguegarao dahil umabot lang sa 20 ang huling datos ng mga nagpositibo sa sakit.

Samantala, sa inihayag pa niya na sa probinsya ng Cagayan ay tanging ang bayan ng Sta. Prexedes nalamang ang nananatiling COVID-19 free.