Inirekomenda ng lokal na pamahalaan ng Solana na isailalim sa sampung araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang nasabing bayan sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Vice Mayor Meynard Jojo Carag, habang inaantay nila ang magiging pasya ng Regional COVID-19 Taskforce sa kahilingang isailalim sa MECQ ang Solana mula August 25 ay pinaghahandaan na rin ito ng munisispyo.
Paliwanag ng bise-alkalde na ang rekomendasyon para sa mas mahigpit na quarantine status ay dahil sa pagdami ng nagkakahawahan ng virus kung saan maituturing na high risk at ikatlo ang bayan ng Solana sa probinsiya na may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 at bilang ng namatay.
Base sa pinakahuling datos, sinabi ni Carag na umakyat pa sa 218 ang kanilang aktibong kaso habang may kabuuang 46 katao na ang namatay sa COVID-19 sa naturang bayan simula nang magkaroon ng pandemya noong nakaraang taon.
Kung sakaling payagan, mahigpit na ipagbabawal ang mass gathering at virtual religious gatherings lang ang puwede.
Ang lamay at libing ng mga namatay na ang dahilan ay hindi COVID-19 ay pinapayagan sa loob ng tatlong araw pero limitado lamang sa sampung katao ang maaring dumalo sa lamay o hindi pagsabay-sabay at 25 naman sa libing at bawal din ang sugal.
Papayagan din ang mga misa ng kasal, binyag at libing pero limitado lamang sa immediate family members at maximum of 10 attendees.
Para naman sa mga economic at health frontliners ay kailangan nilang kumuha ng travel pass at APOR ID habang ang mga hindi residente na dadaan lamang sa Solana papunta sa ibang mga bayan ay kailangan ipakita sa checkpoint ang Identification card.
Dahil sa patuloy na pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19, bubuksan ang isolation units sa mga barangay kung saan maglalaan ang LGU ng P40,000 bawat isa bilang suporta sa kanila.
Sa ngayon ay wala pa sa sampung porsyento ng kabuuang populasyon ang nababakunahan sa bayan ng Solana.
Muli namang nanawagan si Carag sa mga residente na sumunod sa umiiral na minimum health standards.