Nakapagtala ng kauna- unahang kaso ng COVID 19 ang bayan ng Sta Praxedes matapos ang mahigit isang taon na nakapagtala ang bansa ng kaso ng virus.

Ayon sa Municipal Health Office ng naturang bayan, isang OFW na galing sa Saudi Arabia ang kauna-unahang kaso ng covid-19 sa lugar.

Nagnegatibo umano sa RT-PCR sa Manila ang pasyente pero habang pauwi sa Cagayan, siya ay naexpose sa driver na naghatid sa kanila dito sa probinsya na COVID-19 positive.

Kasama niyang naexpose ay dalawang returning residents din na pauwi ng Claveria at Abulug.

Nabatid na Marso 27 nang isagawa ang RT-PCR swab test at pagkalipas ng dalawang araw lumabas na positibo ang resulta.

-- ADVERTISEMENT --

Sinisigurado naman ng Municipal Health Office ng bayan na walang ibang residente ang naexpose sa positibong kaso.

Inilipat na ang pasyente sa DOH Community Isolation Unit (Regional Blood Center) dito sa Tuguegarao upang ipagpatuloy ang quarantine habang siya’y inoobserbahan.

Nananawagan naman sa mga residente ang RHU ng Sta. Praxedes na limitahan muna ang pagbyahe sa mga lugar na may local transmission at madaming COVID 19 cases dahil sa lumolobong kaso ng COVID 19 sa Region 2.

Pinapayuhan din ang mga returning residents na siguraduhing ligtas ang mga sinasakyan nila pauwi.