TUGUEGARAO CITY-Napanatili ng bayan ng Sta Praxedes ang pagiging covid-19 free sa buong probinsya ng Cagayan.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office(PDRMMO)-Cagayan , mula sa 28 munisipalidad at isang lungsod sa probinsya, tanging ang bayan ng Sta Praxedes ang wala pang naitatalang kaso ng nakamamatay na sakit.
Ang lungsod ng Tuguegarao ang may pinakamaraming naitalang kaso ng virus na may 610.
Ilan pa sa mga bayan na may mataas na bilang ng mga naitalang kaso ng covid-19 ay ang bayan ng Enrile na may 96, Solana na 57, Tuao na 52 at Baggao na 45.
Pinakamaraming may naitalang nasawi dahil sa virus ang lungsod ng Tuguegarao na may pito, tig-dalawa ang bayan ng Tuao, Amulung at Solana, tig-isa naman sa bayan ng Aparri, Enrile at Iguig.
Sa ngayon, umabot na sa 1,112 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng virus kung saan 927 ang nakarekober, 169 ang aktibo at 16 ang nasawi.
Mayroon namang 3,980 na persons under monitoring na galing sa iba’t-ibang lugar na umuwi sa probinsya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Esterlina Aguinaldo ng bayan ng Sta. Praxedes na mahigpit na hindi pinapayagan ang home quarantine lalo na sa mga galing sa mga high risk area dahil sa mataas na kaso ng Covid 19.
Dagdag pa ni Mayor Aguinaldo na malaking tulong ang mga itinalagang nurses sa ibat ibang barangay ng Sta. Praxedes kung saan sila ang nagbibigay ng sapat ng impormasyon o kaalaman ukol sa pag-iwas sa naturang nakakahawang sakit.