TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng kauna-unahang kaso ng Coronavirus Disease 2019(Covid-19) ang bayan ng Sta teresita, Cagayan, ngayong araw ,Oktubre 27,2020.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina, head ng Provincial Health Office (PHO)-Cagayan, ang pasyente ay kasalukuyang nakakaranas ng lagnat habang nasa quarantine facility sa nasabing lugar.
Aniya, inaalam pa nila kung paano nahawaan ng virus ang pasyente dahil wala naman itong nakasalamuha na nagpositibo sa virus.
Ngunit, sinabi ni Cortina na isa sa kanilang tinitignan ay kung nahawaan sa pagamutan sa bayan ng Gonzaga dahil bago nagpositibo sa virus ay itinakbo ito sa pagamutan matapos masangkot sa aksidente.
Kasalukuyan na rin ang kanilang ginagawang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente para hindi na lumawak pa ang maaring tamaan ng sakit sa lugar.
Sa ngayon, ang bayan na lamang ng Sta Praxedes ang covid-19 free sa probinsya ng Cagayan.
Samantala, umabot na sa 669 ang naitalang kaso ng virus sa Cagayan kung saan 117 dito ang aktibo na kasalukuyang binabantayan sa pagamutan at sa iba’t-ibang quarantine facility habang isa ang bagong naitalang nasawi na mula sa bayan ng Amulung.
Sa buong rehiyon dos ay nakapagtala na ng 2,641 na kaso ng covid-19, 419 ang aktibo at 2,184 ang nakarekober mula sa nakamamatay na sakit.
Nasa 17 aktibong kaso rin ng virus ang kasalukuyang binabantayan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan sampu rito ay galing sa Isabela, anim sa Cagayan at isa sa Kalinga.