Itinampok sa unang selebrasyon sa pang-apat na festival ng bayan ng Buguey, Cagayan ang paglulunsad ng 1st Baybay Festival 2025 ang isdang bulong-unas o mas kilala sa tawag na espada at pandan plant.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Mayor Licerio Antiporda ang kahalagahan ng mga programa na magbibigay proteksyon sa karagatan upang mapanatili ang kasaganaan ng yamang dagat na siyang nagbibigay ng kabuhayan sa mga residente.

Kabilang din sa mga aktibidad ay ang paglulunsad ng Oplan BARBIE na layong pangalagaan at paigtingin ang pangangasiwa sa baybaying-dagat ng bayan ng Buguey lalo na ang Babuyan channel katuwang ang ibat ibang ahensiya ng gobyerno.

Isinagawa rin ang Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng LGU Buguey, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagpapatayo ng Pandan nursery.

Tampok rin sa pagdiriwang ang street dancing ng mga mag-aaral kung saan itinanghal bilang kampeon ang Licerio Antiporda Sr. National High School-Dalaya Annex, pumangalawa naman ang Pattao National High School at nakuha naman ng Licerio Antiporda Sr. National High School Main Campus ang ikatlong pwesto.

-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa rin ang ‘Kusina ni Ceri’ Cookfest kung saan ibinida ng mga miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) Buguey ang katakam-takam at masasarap na mga putahe ng bulong-unas gaya ng Bulung Unas Curry, Lumpia, Bulung Unas Sardines, Ginataang Sitaw at Kalabasa with Bulung Unas, Garlic Buttered Bulung Unas, at marami pang iba.

Kaugnay rito, hiniling ni Antiporda ang maigting na suporta at pakikipag-ugnayan ng mga ahensiya ng gobyerno gayundin ang kooperasyon ng mga mamamayan upang mapalakas ang agri-festival at eco-tourism sa bayan ng Buguey.