Humingi ng pang-unawa at nagpaliwanag ang Principal ng Baybayog National High School na si Artemio Te sa mga magulang ng mga senior high school student matapos ang kanilang apela sa UMANO’Y ‘pagkakaroon ng parental consent upang dumalo sa sinasabing campaign rally’ ni Vice President Leni Robredo sa bayan ng Alcala.
Paliwanag ni Te, kasabay ng nakatakdang pagbisita ni Vice President Robredo ay naisipan nilang magkaroon ng welcoming activity sa pamamagitab lamang ng pagkaway bilang pagpapakita ng paggalang sa pagdating ng isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ipinunto niya, na nais lamang sana nilang ipakita ang mainit na pagtanggap sa kanya bilang ikalawang pangulo ng bansa na bibisita sa kanilang bayan ng walang bahid ng pamumulitika.
Matapos magpahayag ng pagtutol ang mga magulang ay hindi naman sila pinilit na pumirma sa parental consent kaya’t agad din itong binawi ng pamunuan ng paaralan.
Gayonman, umaasa si Te na mauunawaan ito ng mga magulang ng mga mag-aaral.
Samantala, sinabi niya na naghahanda na sila para sa pagbubukas ng face to face sa kanilang paaralan.
Ayon sa kanya, patuloy silang nagsasagawa ng konsultasyon katuwang ang mga magulang at iba pang tanggapan upang makapaglatag ng mga polisiya at hakbang na dapat ipatupad at sundin para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro laban sa banta ng COVID-19.