
Pumanaw na ang dating beauty queen at Binibining Pilipinas–Universe 1989 na si Sara Jane Paez sa edad na 57 noong Martes, Enero 13, 2026, isang buwan bago sana niya ipagdiwang ang kanyang ika-58 kaarawan.
Hindi naman agad isinapubliko ang detalye ukol sa sanhi ng kanyang pagpanaw.
Kinumpirma ang balita ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) sa pamamagitan ng isang Facebook post kung saan nagbigay sila ng pagpupugay sa namayapang beauty queen.
Si Sara Jane Paez ay kinoronahang Bb. Pilipinas–Universe noong 1989 at kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 1989 na ginanap sa Cancun, Mexico.
Bagama’t hindi siya nakapasok sa semifinals, hinangaan siya sa kanyang husay sa komunikasyon at sa paggamit ng wikang Filipino sa kanyang introduction video sa nasabing patimpalak.
Sa kanyang personal na buhay, ikinasal si Sara Jane kay Nicky Santiago, at mayroon silang dalawang anak na kasalukuyang nagtatrabaho sa abroad.










