Pinuna ni Senator Imee Marcos ang patuloy na paggamit ng imported na bigas sa programang “benteng bigas” ng pamahalaan, sa kabila ng kasalukuyang anihan at kawalan umano ng deklarasyon na kakulangan sa suplay.

Ayon kay Marcos, wala naman umanong inideklarang shortage ang Department of Agriculture (DA) ngunit nag-aangkat pa ang gobyerno, isa aniyang malinaw na pananamantala ng ilang opisyal na mas pinili ang kumita kaysa protektahan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Sinita din ng senador ang tila pagpapahintulot umano ng ilang opsiyal ng Food Terminal Incorporated (FTI) sa importasyon upang mapanatili ang kanilang mga posiyon, sa halip na itaguyod ang mandato ng ahensya na dapat ay direktang bumibili ng ani ng mga lokal na magsasaka.

Binanggit din ng senador ang hindi umano pagpapatupad ng contract growing arrangements na maaring makatulong sa mga magsasaka, sa halip na gamitin bilang dahilan para sa patuloy na importasyon.