Mariing itinanggi ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang alegasyong may P8.3 bilyong “allocable” na pondo umano siyang nakatalaga sa ilalim ng 2025 national budget, kaugnay ng tinaguriang “Cabral files.”

Ayon kay Bersamin, labis siyang nagulat at nagalit sa paratang na ang markang “ES” sa naturang mga dokumento ay tumutukoy sa kanya bilang dating Executive Secretary.

Nilinaw ni Bersamin na hindi siya kailanman humiling, nag-endorso, nag-apruba, o nagbigay ng awtorisasyon sa anumang proyekto o alokasyon ng pondo ng DPWH. Mariin din niyang itinanggi na inutusan niya ang sinuman na gamitin ang kanyang pangalan o ang kanyang dating posisyon para sa anumang budget insertion.

Naglabas ng pahayag si Bersamin matapos sabihin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may mga Cabinet officials na umano’y nabanggit sa “Cabral files,” kabilang ang isang opisyal na tinukoy lamang bilang “ES” na may P8.3 bilyong alokasyon. Gayunman, hindi tinukoy ni Lacson kung sino ang tinutukoy na “ES.”

Nanawagan si Bersamin ng masusing imbestigasyon sa “Cabral files” upang matukoy ang mga nasa likod ng umano’y manipulasyon sa pambansang badyet. Sinabi rin niyang handa siyang makipagtulungan sa anumang imbestigasyong isasagawa ng Kongreso, Ombudsman, o Department of Justice.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ng Malacañang na dapat ituloy ang imbestigasyon kahit pa may mga Cabinet officials na masangkot.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo na panagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot batay sa ebidensya.