Inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ang Information, Education, and Communication (IEC) campaign ukol sa pangangalaga ng ludong bilang bahagi sa pagpapatupad ng ludong closed season sa ilalim ng Bureau Administrative Circular (BAC) 247, na ipinatutupad mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15, 2024.

Ang Ludong ay kilala rin bilang “President’s Fish” na nagsisilbing simbolo ng kulturang yaman ng Region 2 at bahagi ng mayamang biodiversity nito.

Layunin ng closed season na protektahan ang endangered species na ludong sa kritikal na panahon ng kanilang pangingitlog, kung saan ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta, at pag-transport ng isdang ito.

Sinimulan ang kampanya sa pamamagitan ng Deputy Fish Warden Training na ginanap sa Tumauini, Isabela at sa Cabarroguis, Quirino.

Ang mga pagsasanay na ito ay naglalayong bigyan ng sapat na kaalaman ang mga lokal fish wardens tungkol sa closed season upang matulungan silang ipatupad ang mga regulasyon at magpalaganap ng impormasyon sa mga mangingisda sa kani-kanilang bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, nagsagawa rin ng waterborne patrol ang BFAR law enforcement team sa Cagayan River, partikular sa Aparri, Camalaniugan,
Lal-lo, at Gattaran upang mamahagi ng mga pamphlet at nakipag-usap sa mga local fisheries upang ipaliwanag ang kahalagahan ng pangangalaga sa ludong at pagsunod sa closed season.

Kaugnay nito ay patuloy pang pinapalawak ng BFAR ang kanilang IEC efforts sa mga susunod na linggo sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang masiguro ang pagsunod at pagpapanatili ng konserbasyon ng endangered species na ito.