Nakapag-isyu na ng mahigit isan-daang food pass ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region II sa mga supplier at mga trak na magdedeliver ng isda at iba pang fishery products.
Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 7 ng Department of Agriculture upang hindi maantala ang pagbiyahe ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng isda sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Emma Ballad ng BFAR-RO2 na nasa 175 na ang naproseso na food pass sa mga truckers at shippers na nagbibigay pribilehiyo sa mga negosyanteng nagdadala ng pagkain at produktong pang-agrikultura sa kabila ng enhanced community quarantine.
Ito ay upang masiguro ang tuluy-tuloy na pagdating at galaw ng mga agricultural products at inputs nito sa mga lugar na isinailalim sa ECQ.
Pinakamarami aniya sa mga nag-apply ay mula sa lalawigan ng Isabela para sa kanilang produktong tilapia at hito.
Ang isdang bangus, salmon at galunggong na ibinabiyahe sa lambak ng Cagayan ay inaangkat mula sa Dagupan, Pangasinan at Navotas Fish Port.
Samantala, hinikayat ni Ballad ang mga negosyante ng isda na wala pang food pass na isumite ang aplikasyon online upang maiwasan ang pakikisalamuha sa ibang tao.