Muling nagpaalala ang Tuguegarao City- Bureau of Fire Protection sa publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente lalo na ngayong papalapit ang pasko.

Ayon kay Fire Chief Insp. Fernando De Leon, fire marshal ng BFP-Tuguegarao na karamihan sa mga naitatalang sunog ay dahil sa electrical, kung kaya mahalagang suriin at alamin ng mga mamimili ang mga standard products sa pagbili ng mga appliances lalo na sa Christmas lights.

Sa pagbili pa lamang ng mga electrical appliances, sinabi ni De Leon na mahalagang masuri ng mga mamimili ang PS mark o ICC sticker ng produkto na nagpapatunay na ligtas at pumasa ito sa pagsusuri ng Bureau of Philippine Standards (BPS).

Dagdag pa niya na dapat ring bawasan at huwag gawing permanente ang octopus connection dahil ito ang kadalasang sanhi ng mga sunog.

Ang octopus wiring ay ang sanga-sangang koneksiyon ng maraming appliances sa iisang extension na nagdudulot ng overheating.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito ay patuloy din ang BFP sa pag-iikot sa mga komunidad upang magbahagi ng mga paalala sa mga residente para makaiwas sa mga insidente ng sunog.