Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection o BFP ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa ilang gusali ng Basco Central School sa probinsiya ng Batanes.
Batay sa inisyal na ulat, 12:42 ng tanghali kahapon ng matanggap ng BFP ang impormasyon na nasusunog na agad naman nilang nirespondehan.
Itinaas sa General Alarm ang status ng sunog na kailangan ng rumesponde ang lahat ng fire station sa Batan Island.
Pasado alas-3:00 ng hapon ng ideklarang fire out ang sunog kung saan naging pahirapan ang pag-apula dahil sa malakas ang hangin sa lugar kung kayat mabilis ang pagkalat ng apoy.
Kaugnay nito, sinuspendi ng lokal na pamahalaan ng Basco ang pasok ng mga mag aaral sa naturang eakwelahan ngayong araw para sa seguridad ng mga bata at mag aaral habang isinasagawa ng BFP ang imbestigasyon batay na rin sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Umapela naman ang Simbahang Katoliko ng panalangin at pagkakaisa para muling maitayo ang paaralan para may magamit muli ang mga mag aaral.
Nanawagan si Fr. Ronaldo Manabat, parish priest ng Cathedral of tjw Immaculate Concepcion-Batanes sa mga nagnanais na magbigay ng tulong gaya ng construction materials o monetary contributions na direktang makipag-ugnayan kay Mrs. Lany Ugali, ang Punong-Guro ng Basco Central School.
Nangako naman si Fr. Manabat na magbibigay ng tulong ang Basco Cathedral sa pamamagitan ng Parish Social Services at ang Mission Caring Hearts, Inc. sa pamamagitan ng Educational Assistance.
Mayroon na rin aniyang nakahandang mga school supplies at mga libro na ipagkakaloob sa paaralan.
Nagpasalamat naman siya sa mga kagawad ng pamatay sunog, mga residente at ibat ibang grupo na nagtulung-tulong para maapula ang apoy.