Muling maglulunsad ng Fire Prevention Month ang Bureau of Fire Protection (BFP) Region 2 ngayong Marso.

Ayon kay Fire Inspector Dina Rowena Amistad, public information unit chief ng BFP Region 2, layunin ng nasabing aktibidad na paigtingin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng fire safety at mga hakbang sa pag-iwas sa sunog.

Nagpaalala si Rowena na regular na inspeksyunin ang mga electrical appliances at wirings upang matukoy ang mga posibleng panganib.

Iwasan aniya ang mag-overload sa mga saksakan at panatilihing malayo ang mga madaling masunog na materyales sa mga pinagmumulan ng init tulad ng kalan, heater, at makina.

Siguraduhin din na nakapatay umano ang lahat ng mga appliances at kagamitan pagkatapos gamitin, lalo na sa mga pampublikong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ni Rowena ang mga may-ari ng negosyo na tiyakin na maayos at gumagana ang mga fire extinguisher at minomonitor ang mga kondisyon nito.

Mahalaga aniyang matutunan ng bawat isa ang mga kaalaman ukol sa fire safety sa paraang malinaw at madaling maunawaan.

Kasabay ng Fire Prevention Month kick-off ceremony, magsasagawa rin ang BFP Region 2 ng mga aktibidad tulad ng Fire Olympics, Simultaneous Zumba, at iba pang mga kaganapan sa Ilagan City sa March 4, 2025.

Ang mga aktibidad ay naglalayong magbigay kaalaman at magsaya, at higit sa lahat, mapalakas ang pagtutulungan ng komunidad upang maiwasan ang sunog.