Full support ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagkalap ng ebidensya at planong paghahain ng kaso ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa mga taong sangkot sa korapsyon.

Ito ay matapos sabihin ni Remulla sa isang panayam na ang BFP ang pinaka-corrupt sa lahat ng ahensyang nasa ilalim ng DILG.

Kabilang sa alegasyon ang umano’y pagkolekta ng BFP ng higit P15B kada-taon.

Sinabi rin nito sa Palace Press Briefing na nagkakaroon ng kickback ang mga tauhan ng BFP sa pagbili ng mga equipment.

May ilang tauhan na rin daw na iniimbestigahan hinggil dito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isang pahayag, sinabi ng BFP na nakikita nila bilang “direct order” ang mga nabanggit ni Remulla para harapin ang mapait na katotohanan sa organisasyon.

Ang sinabi din daw ng kalihim ay hindi lang basta mga numero, kung ‘di nagpapakita ng pantatraydor sa tiwala ng publiko, at pag-aaksaya sa pera ng mga taxpayer.

Pagtitiyak ng bureau, ang mga aksyon gaya ng administrative relief, suspensyon ng mga inspeksyon, at mga pagbabago ay isinasagawa na para tuldukan ang sistemang nagpahintulot para mangyari ang katiwalain.

Ang paglilinis umano sa BFP ay isang hamon ngunit nararapat na hakbang upang mapanatili ang dangal ng kanilang hanay.