Binatikos ng isang opisyal ng Barangay ang umanoy napakabagal na pagtugon ng Bureau of Fire protection (BFP) Tuguegarao sa naganap na sunog sa Barangay Atulayan Sur, Tuguegarao City, kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinisi ni Baranagy Kagawad Mario Canilas ang mabagal na pagresponde ng mga bumbero sa lungsod kung kaya lumaki at kumalat ang apoy na nagsimula sa bahay ni Julius Ceasar Sychanco sa Tuliao St.
Ayon kay Canilas, ilang beses niyang sinubukang tawagan ang hotline ng BFP sa lungsod subalit hindi ito matawagan na dahilan upang lumala ang apoy na ikinadamay ng katabing bahay na may firewall.
Aniya, mas nauna pang rumesponde sa sunog ang BFP-Solana sa halip na ang fire department ng lungsod na malapit lamang.
Umabot pa aniya ng tatlumpung minuto bago dumating ang mga bumbero nang tumawag ito sa PNP-Tuguegarao na siyang nag-follow -up sa fire department.
Samantala, sinubukan naman ng news team na kunan ng pahayag ang BFP Tuguegarao para sa kanilang paglilinaw sa isyu subalit walang tumutugon sa aming tawag.