Mariing pinabulaanan ng Bureau of Fire Protection (BFP)–Tuguegarao City ang mga isyung ibinabato laban sa kanilang pagresponde sa sunog na naganap sa Campos Street, Barangay Caritan Sur, Tuguegarao City, noong Biyernes ng gabi, Enero 16, 2026.

Ayon kay FCINSP Jamille Mae Baloran, City Fire Marshal, hindi totoo ang alegasyon na umabot umano ng 30 minuto bago rumesponde ang BFP. Aniya, natanggap ng kanilang tanggapan ang tawag hinggil sa sunog bandang alas-10:35 ng gabi at pagsapit ng alas-10:40 ay nasa lugar na agad ang apat na fire trucks at isang ambulansiya.

Pinabulaanan din ng BFP ang isyu na nawalan umano ng tubig ang unang fire truck. Ipinaliwanag ni Baloran na bahagi ng protocol ng BFP ang pagtiyak na puno ng tubig ang lahat ng fire truck bago umalis ng istasyon. Gayunman, hindi aniya unlimited ang suplay ng tubig ng isang fire truck at karaniwang tumatagal lamang ito ng lima hanggang walong minuto depende sa lakas ng buhos at laki ng sunog.

Tungkol naman sa alegasyon na natanggal ang hose ng ikalawang fire truck, kinumpirma ni Baloran na ito ay nahila ng isang bystander, dahilan ng kaunting pagkaantala. Subalit iginiit niya na hindi ito nagkaroon ng malaking epekto sa kabuuang operasyon at pagresponde ng mga bombero.

Mariin ding itinanggi ng BFP ang paratang na may mga personnel na hindi sumunod sa Standard Operating Procedure (SOP). Ayon kay Baloran, lahat ng rumespondeng personnel ay naka-complete Personal Protective Equipment (PPE). Kung may mga nakitang hindi naka-uniporme, ito umano ay mga off-duty personnel na kusang-loob na tumulong dahil sa malasakit.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nilinaw din ng BFP na hindi nila iniwan ang lugar kahit hindi pa ganap na naapula ang apoy. Ang sunog ay opisyal na idineklarang “fire out” bandang alas-11:32 ng gabi. Matapos nito, ilang augmenting teams ang pinauwi na, subalit apat na fire truck at isang ambulansiya ng BFP–Tuguegarao City ang nanatili sa lugar.

Ayon sa City Fire Marshal, nanatili ang mga personnel hanggang alas-3:00 ng madaling araw upang magsagawa ng overhauling at tiyaking wala nang banta ng muling pagliyab.