
Balak ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na komprontahin ang abogado ni Senador Joel Villanueva dahil sa mga pahayag nitong babaligtad umano ang dalawang dating engineer ng Bulacan 1st District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Remulla, maaaring naniniwala ang abogadong si Ramon Esguerra na maaabsuwelto ang kliyente niyang si Sen. Villanueva kapag nag-recant sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kabilang sa binansagang “BGC Boys”.
Sinabi ng Ombudsman na kaya hindi nakuhang state witness sina Hernandez at Mendoza ay dahil kabilang sila sa mga most guilty dahil inimbento nila ang mga “ghost” flood control project sa Bulacan.
Sa kabila nito, sinabi ni Remulla na bibigyan pa niya ng isang pagkakataon sina Hernandez at Mendoza na isiwalat ang lahat ng kanilang nalalaman imbes na magpagamit sa kampo ni Villanueva.
Binalaan ni Remulla sina Hernandez at Mendoza na habambuhay silang makukulong kung hindi makikipagtulungan sa Department of Justice at sa Ombudsman.
Wala pang pahayag si Villanueva sa sinabi ni Remulla habang sinusulat ang balitang ito.









