
Walang naitalang pag-alis ng bansa si Senador Ronald dela Rosa, ayon sa Bureau of Immigration nitong Huwebes, kasunod ng mga ulat na umalis siya sa Senado.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, “no recent travel” o walang naitalang biyahe palabas ng Pilipinas ang senador. Dagdag pa niya, wala ring datos ang BI tungkol sa mga domestic flight ng mga pasahero.
Nauna rito, kinumpirma ng isang senador, batay sa isang opisyal ng Senate secretariat, na umalis si Dela Rosa sa gusali ng Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Noong Miyerkules ng gabi, nagkaroon ng mga putok ng baril sa loob ng Senado kasabay ng lockdown sa Mataas na Kapulungan kung saan nasa protective custody si Dela Rosa.
Itinanggi naman ng National Bureau of Investigation na may mga tauhan silang nag-deploy sa gusali ng Senado, at sinabing nasa GSIS building lamang ang kanilang operasyon.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang ibinibigay na direktiba para arestuhin ang senador.
Si Dela Rosa ay isa sa mga may arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Ayon sa ICC warrant, kabilang siya sa mga pinaghihinalaang may “indirect co-perpetrator” na responsibilidad sa mga pagpatay mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan tinatayang hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.










