Sisimulan na ang konstruksion ng apat na silid-aralan na bubuo sa Bical National High School sa Zone 1 sa Barangay Bical, Lal-lo, Cagayan.

Ito ay matapos ang isinagawang ground breaking sa pagpapatayuan ng nasabing paaralan.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Florante Pascual ang 13 pamilya na nag-donate ng isang ektaryang lupain na pagpapatayuan ng mga silid-aralan at ang Natures Renewable Energy Development Corporation sa ibinigay nilang P14 million para sa kontruksion.

Sinabi ni Pascual na ang pamumuhunan sa edukasyon ay magbubunsod ng pag-unlad ng isang komunidad.

Pinuri naman ni Benjamin Paragas, director ng Department of Education Region 2 ang mga tumulong sa nasabing proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, napakahalaga ng pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan para sa isang matagumpay na hangarin.

Naniniwala din si Paragas na sa patuloy na paglalaan ng pondo sa nasabing eskwelahan at pagpapaunlad dito ay hindi malayong ito ay magiging center of excellence sa hinaharap.