Binigyang-diin ni Senator Panfilo Lacson na dapat na may makasuhan, malitis, mahatulan, at makulong na big fish o malaking isda upang magsilbing halimbawa sa iba sa gitna ng kasalukuyang imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Lacson na noong panahon na siya pa ang hepe ng Philippine National Police, tinatawag ito na katiyakan ng parusa.

Ayon sa kanya, kung walang katiyakan na parusa, magpapatuloy ang gagawing korupsion ng mga taong sangkot at ang mga hindi sangkot ay posibleng mahikayat na gumawa ng katiwalian.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Senator Sherwin Gatchalian kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na magbakasyon muna bilang pagpapakita ng delicadeza habang kasalukuyan ang mga imbestigasyon sa nasabing usapin.

Ipinunto ni Gatchalian na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Economy, Planning and Development na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ibig sabihin nito ay walang tiwala si Marcos sa DPWH na imbestigahan ang sarili.

Sinabi ni Gatchalian na ang mahalaga dito ay maibalik ang tiwala ng publiko sa DPWH at tiyakin na hindi mauulit ang mga maanomalyang mga proyekto.

Idinagdag pa ni Gatchalian na dapat na nagpatupad si Bonoan ng mga reporma nang malaman niya ang mga umano’y anomalya sa DPWH.