
Asahan ang malaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Batay sa pagtaya ng isang source mula sa industriya ng langis, posibleng tumaas ng ₱9.50 hanggang ₱10.50 kada litro ang diesel, habang ₱3.50 hanggang ₱4.50 kada litro naman ang gasolina.
Ayon sa source, dulot ito ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan na nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado, gayundin ng pagbaba ng diesel exports ng Russia.
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinalawak ng pamahalaan ang United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Program upang matulungan ang mga maaapektuhan ng oil price hike.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng isang beses na ayudang hanggang ₱2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Walang Gutom Program.










