Umakyat na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na biktima ng paputok kung saan isa ang nabalian ng kamay ang naitala sa Cagayan Valley Medical Center matapos ang selebrasyon ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang naturang datos ay mula December 21, 2024 hanggang kahapon o sa mismong Bagong Taon na mas mataas kumpara sa limang naitala sa CVMC sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Ayon kay CVMC Medical Center Chief Dr. Cherry Lou Antonio, karamihan sa mga pasyente ay lalaki, edad 19 pataas at mula sa lalawigan ng Cagayan na nabiktima dahil sa ipinagbabawal na boga, piccolo, pla-pla at kwitis.
Karamihan aniya sa mga biktima ay minor injuries maliban lamang sa isang nabalian sa kaliwang kamay dahil sa pagsabog ng pla-pla ngunit nagdesisyon ang pamilya ng pasyente para sa home medication subalit tiniyak ni Dr. Antonio na patuloy nila itong susubaybayan.
Wala namang naitalang insidente ng pagkasawi dahil sa paggamit ng paputok subalit may isa ang nasawi habang isa naman ang kritikal dahil sa road traffic accidents mula sa kabuuang bilang na 247 naisugod sa CVMC ngayong holidays.
Sinabi ni Dr. Antonio na karamihan sa mga biktima ay lalaki na kinasangkutan ng mga motorsiklo at ang dahilan ng aksidente ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at walang suot na safety gears.
Sa datos naman sa non-communicable diseases, sinabi ni Dr. Antonio na may naitala ang pagamutan na 18 kaso ng stroke, 12 kaso ng coronary artery disease at anim naman sa bronchial asthma.
Matatandaan na isa ang CVMC mula sa walong ospital sa bansa na nagsisilbing sentinel sites para mabantayan ang trend ng mga naturang karamdaman.
Nagpapatuloy naman ngayon ang monitoring ng CVMC sa posibilidad na madagdagan pa ang naitatalang mga Fireworks Related Injuries, road traffic injuries at mga kaso ng acute complications ng non-communicable diseases sa mga susunod na araw.
Samantala, batay naman sa datus ng Provincial Health Office (PHO) Cagayan, umabot sa 37 ang bilang ng mga fire cracker related injuries habang 263 sa vehicular incidents mula December 21 hanggang January 1, 2025.