Tuguegarao City- Nananatili pa rin sa 2 ang bilang ng kaso ng COVID-19 confirmed cases na nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, nasa maayos at stable na kalagayan ang mga pasyenteng patuloy na naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.
Ayon sa kanya, matagal ang paghihintay sa resulta nito dahil natambakan ang Baguio General Hospital ng mga specimen na galing din sa iba’t ibang rehiyon.
Sa pinakahuling datos ay wala ng kaso ng probable sa Cagayan habang mayroon namang 30 na bilang ng mga suspected cases.
Kaugnay nito, inihayag pa ni Baggao na humiling na sila ng pag-apruba ng RITM at DOH na maglagay ng accredited testing center sa CVMC.
Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na mahihirapang maghintay ng resulta ang mga pasyente at makakatulong din sa mga karatig lalawigan upang hindi na pumunta pa sa malayong lokasyon ng testing center.
Samantala, tiwala naman si Baggao na magtutuloy-tuloy na ang pagpapanatili ng “COVID Positive Free” sa lalawigan ng Cagayan.