Patuloy na bumababa ang mga pasyenteng may COVID-19 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief na nasa 82 na lamang ang bilang ng mga naka-admit nilang COVID-19 patients na dahilan upang bumubuti na ang estado sa naturang pagamutan.

Sa naturang bilang, sampu sa kasalukuyang may sakit ay nasa “severe condition” at “critical condition habang ang natitira ay halos nasa mild to moderate at kasalukuyang nagrerekober sa ospital.

Ayon kay Dr. Baggao, bagamat nangunguna na ang bayan ng Claveria sa may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ay pinakamarami pa rin sa mga pasyenteng naka-admit sa CVMC ay mula sa Tuguegarao City sa bilang na 24.

Sinundan ito ng Baggao na may pitong confirmed cases; anim sa bayan ng Iguig; lima sa Gattaran; tig-tatlo sa Solana, Peñablanca at Tuao; tig-dalawa sa Buguey at Sto Niño; at may tig-isa sa Amulung, Gonzaga, Lasam, Aparri, Allacapan at Claveria.

-- ADVERTISEMENT --

Labing-tatlong pasyente naman ay mula sa lalawigan ng Isabela at anim sa Cordillera Administrative Region.

Sa kabila nito, muling nanawagan si Dr. Baggao sa publiko na sundin ang minimum health standards at umaasang marami pa ang mabakunahan para mas maraming maprotektahan.

Matatandaan na ibinaba na sa General Community Quarantine with hightened restrictions ang lalawigan ng Cagayan mula sa dating MECQ.