Bumababa na ang bilang ng mga nagpopositibong pasyenteng ina-admit sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na mula sa record high na mahigit tatlong-daang pasyente nitong mga nakaraang Linggo ay nasa 235 na pasyente na lamang ang kasalukuyang nasa pangangalaga ng ospital.
Sa naturang bilang, 200 sa mga ito ay kumpirmadong COVID patients habang 35 naman ang COVID suspect.
Mula sa bilang ng confirmed cases, pinakamarami ang galing sa probinsya ng Cagayan na may 180 confirmed cases at pinakamarami rito ay mga galing sa Tuguegarao na may 117 kaso.
Labing tatlo naman ang galing sa Lalawigan ng Isabela habang pito sa iba pang kalapit na probinsiya.
Ayon kay Baggao, karamihan sa mga pasyente na mula sa Tuguegarao ay nasa middle age, mayroon ding Senior Citizen na karamihan ay may comorbidity habang tatlong pasyente ang kasalukuyang naka-incubate sa Intensive Care Unit.
Matatandaan na nasa 200 ang bed capacity ng CVMC para sa severe and critical COVID patients, bukod pa sa nirentahang hotel bilang stepdown facility na mayroong 100 bed capacity para naman sa mga pasyenteng asymptomatic to mild ang kaso o yaong nagpapagaling na.
Labis naman ang pasasalamat ni Baggao sa mga natatanggap na tulong mula sa ibat-ibang ahensya ng gubyerno at indibidwal tulad ng mga Personal Protective Equipment (PPEs) para magamit ng frontliners, tents at marami pang iba.
Kamakailan din ay namahagi si Labor Secretary Silvestre Bello III ng pangkabuhayan package sa ilang piling empleyado ng CVMC.
Patuloy naman ang panawagan ni Baggao sa publiko na sumunod sa mga itinakdang minimum health protocols at ipagdasal ang mga healthworkers na patuloy na lumalaban matapos kapitan ng virus.