TUGUEGARAO CITY- Nadagdagan ng 17 ang bilang ng kaso ng Delta variant sa Lambak ng Cagayan.
Ito ay mula sa kabuuang bilang na 279 new cases sa buong bansa batay sa resulta ng pagsusuri ng UP-Philippine Genome Center at UP-National Institutes of Health nitong nakalipas na Setyembre 3.
Sa datos ng Department of Health (DOH) Region 2, anim sa mga bagong kaso ng Delta Variant ay mula sa probinsya ng Isabela partikular ang tig-isang pasyente galing ng Aurora at San Agustin, tig-dalawa sa Jones at Santiago City.
Muli ring nagkaroon ng panibagong limang kaso sa Nueva Vizcaya kung saan tatlo ang galing ng Bambang at tig-isa sa Quezon at Bagabag.
Tatlo naman ang naidagdag pa sa Cagayan partikular ang isa na mula sa Solana at dalawa sa Tuguegarao City.
Sa Probinsya ng Quirino ay naitala sa Bayan ng Diffun ang tatlong bagong kaso ng nasabing sakit.
Ayon sa DOH na ang mga bagong kaso ng delta variant ay pawang mga local cases at lahat ay fully recovered o gumaling na mula sa sakit.