Umakyat na sa 122 ang kabuuang bilang ng mga frontliners na tinamaan ng COVID-19 sa Tuguegarao City.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, sa naturang bilang ay 108 sa mga ito ay mga health workers na kinabibilangan ng mga duktor, nurses, nursing aide at staff.

Sinabi ng alkalde na patuloy na naka-monitor ang City Health Office sa kalagayan ng mga healthcare workers na nagpapagaling sa quarantine facility ng Lungsod.

Dahil dito ay kinakapos na rin ng mga health workers sa lungsod dahil sa mataas na bilang ng mga tinatamaan ng virus kung saan nagbigay na rin ng mga nurses ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.

Habang nakatakdang magbigay ng ICU beds ang US embassy para sa Cagayan Valley Medical Center.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaasahang magiging fully operational na ang dalawang karagdagang isolation facility sa lungsod para sa mga pasyenteng positibo sa virus.

Ito ay matatagpuan sa Brgy Carig na may 128 bed capacity habang ang isa ay mayroong 96 na kama para sa mga pasyente.

Muli namang iginiit ni Soriano na tanging mga COVID-19 patients na asymptomatic o may mild na sintomas ang kasalukuyang naka-home quarantine at regular na binibisita ng mga Senior Medical Students volunteers ng Saint Paul University, bukod pa sa pagbabantay ng mga Brgy officials.

Habang binuksan naman ng CHO ang Bayanihan Covid Center helplines para sa mga katanungan at pangangailangan ng mga pasyenteng naka-home quarantine tulad ng pagbibigay ng medicine kits.

Batay sa pinakahuling datos ng CHO, nadagdagan ng 134 ang mga kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City ngayong Martes dahilan para umakyat na sa 1,069 ang aktibong kaso.

Limamput-anim ang nadagdag sa mga gumaling, kaya naging 8,268 ang kabuuang recoveries.

Nasa 189 naman ang nasawi sa Lungsod, matapos maidagdag ang panibagong tatlong namatay may kaugnayan sa virus.

Samantala, sinabi ng alkalde na bagamat maproseso ay ikokonsidera nila ang apela ni Gov Manuel Mamba para sa pagbili ng lote upang gawing mass burial site.