Photo Credit: DOH

TUGUEGARAO CITY-Malaking tulong umano ang covid-19 pandemic sa pagbaba ng bilang ng kaso ng dengue sa probinsya ng Cagayan.

Ayon kay Engr. Felizardo Taguiam, malaria coordinator ng Provincial Health Office (PHO)-Cagayan, ito’y dahil naka-work from home ang karamihan kung saan nagkaroon na ng mas maraming oras para maglinis sa kanilang mga tahanan.

Aniya, nasa 13 lamang ang naitalang kaso ng dengue nitong buwan ng Enero hanggang sa unang linggo ng Hunyo kung saan mas mababa ito kumpara sa kaparehong panahon noong 2020 na umabot sa 65.

Sa 13 bilang ng kaso, tig-tatlo ay mula sa Iguig at Camalanuigan habang tig-isa sa bayan ng Sta Teresita, Buguey, Baggao, Lasam, Claveria, Rizal at Sta Ana.

Sinabi ni Taguiam na wala namang naitalang namatay mula sa nasabing bilang.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, pinayuhan ni Taguiam ang publiko na panatilihin na malinis ang kapaligiran lalo na ngayong panahon na ng tag-ulan para walang pamugaran ang mga lamok sa paligid.