Photo Credit: 5ID Startroopers, Philippine Army

Nadagdagan pa ng lima ang mga bangkay ng mga New Peoples Army (NPA) na nahukay ng kasundaluhan sa kabundukang bahagi ng Maconacon, Isabela.

Ito ay kasunod din ng pagkakahukay kamakailan sa bangkay nina Alias Marco, Alias Jero, at Alias Lucia na ilibing umano ng kanilang kasamahan matapos namatay dahil sa gutom.

Ayon kay CAPT Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office, 5th Infantry Division, ang limang panibagong nahukay ay kinabiblangan ng mga matataas na opisyal ng kanilang samahan na Komite Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Kinilala ang mga ito na sina alyas Rigidi o Mawin, Commanding Officer ng Front Operation Command, alyas Brad o Airus, Vice Commanding Officer ng Front Operation Command, alyas Dondon, Vice Squad Leader ng Squad Uno, alyas Mon-mon, miyembro ng Squad Uno at alyas Bambo, miyembro ng Squad Dos.

Inihayag ni Pamittan na ang pagkakadiskubre sa mga labi ng mga nasawing NPA ay dahil na rin sa rebelasyon ng ilan sa kanilang mga dating kasamahan na sumuko sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa salaysay aniya ng mga sumukong dating rebelde ay mismong ang kanilang mga kasamahan ang pumatay sa mga opisyal matapos ang pagkakaroon ng hidwaan at hindi pagkakaunawaan sa kung sino ang dapat na susunod na mamuno sa kanilang samahan.

Sa ngayon ay nailibing na aniya ang lahat ng mga bangkay na naagnas na ng mahukay ng militar.

Samantala, inihayag naman ni Pamittan na isa ang nasawing militar matapos ang halos 15 palitan ng putok sa pagitan ng NPA sa bahagi ng Barangay Buneg, Lacub, Abra.

Sinabi niya na ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ay ang mga miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla- North Abra, Ilocos-Cordillera Regional Committee.

Sa ngayon ay patuloy aniya silang kumukuha ng karagdagang detalye dahil mahirap ang signal ng komunikasyon kaya’t wala pang ibinababang report mula sa pinangyarihan ng engkwentro.