Nadagdagan pa ang mga Barangay sa Tuguegarao City na wala nang aktibong kaso ng COVID-19 habang patuloy na bumababa ang bilang ng aktibong kaso sa lungsod.
Ang siyam sa kabuuang 49 barangay sa Lungsod na zero active case sa COVID-19 ay kinabibilangan ng Brgy. Dadda, Namabbalan Sur, Namabbalan Norte, Tagga, Centro 2, Centro 3, Centro 4, Centro 7, at Centro 8.
Base sa pinakahuling datos na inilabas ng City Health Office, bahagyang bumaba ang aktibong kaso sa lungsod sa bilang na 563 at pinakamarami rito ay naitala sa Western Barangay.
Patuloy naman ang panawagan ng City government sa mga taga-lungsod na huwag maging pasaway at ugaliing sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing para hindi ma-infect ng COVID-19 virus.
Samantala, nakapagtala muli ng mataas na bilang ng mga gumaling sa COVID-19 ang rehiyon dos.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) Region 2, as of May 20, 657 ang naidagdag sa bilang ng mga gumaling sa COVID-19 sa rehiyon.
Pero, nakapagtala rin ng bagong bilang ng kaso ng COVID-19 ang rehiyon dos na umabot sa 215.
Pinakamarami na may naitalang aktibong kaso ang lalawigan ng Cagayan na umabot sa 1,306; sa Isabela na 1,234; 436 sa Nueva Vizcaya; 146 sa Quirino; at 33 sa Santiago City.
Dahil dito, pumalo sa 39,928 ang total cases sa rehiyon dos, 3,155 ang aktibo rito, 35,794 ang nakarekober at 967 ang namatay.