Tuguegarao City- Bahagyang lumobo ang bilang ng mga biktima ng human traffickung sa rehiyon ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Ito ay batay sa pagtaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa ginagawang monitoring.

Sa panayam kay Mylen Attaban, Social Welfare Officer 3, kumpara noong nakaraang taon ay nakapagtala lamang ang ahensya ng nasa 75 kaso at karamihan sa mga biktima ay Overseas Filipinos (OF).

Sa datos na ibinahagi nito mula Enero hanggang Hunyo ay nakapagtala na ang ahensya ng 219 na mga kliyenteng natulungan kung saan 194 ang mga trafficking workers mula sa iba’t ibang lalawigan habang ang nalalabing bilang ay mga Overseas filipino.

Hindi pa aniya naisama sa bilang ang 15 na indibidwal na narescue ng mga otoridad ngayong Hulyo na kinabibilangan ng 11 na lalaki at 4 na babae habang naaresto naman ang kanilang manager at human resource officer.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Attaban, illegal recruitment ang isa sa pangunahing rason kung saan ay pinangakuang magtrabaho bilang call center agent, domestic helper, factory worker at iba pa ngunit pagdating sa trabaho ay ginagawa silang G.R.O. at ang iba ay para sa pornography.

Dahil dito ay lalong pinaigting ng DSWD Region 2 ang kanilang adbokasiya laban sa human trafficking at kasabay ng pagdiriwang ng “world day against trafficking”.

Kasabay nito ang pag-alerto sa lahat ng tanggapan sa rehiyon upang magbahagi ng mga kaalaman sa publiko kaugnay sa nasabing usapin.

Samantala, inihayag ni Attaban na napauwi na ang karamihan sa mga biktima at natulungan na rin ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng livelihood assistance ng DOLE.