
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na umakyat na sa 52 ang bilang ng mga kontratista na nag-donate sa mga kandidato sa halalan noong 2022.
Sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na siyam na iba pang kontrastista ang natuklasan na nagbigay ng donasyon matapos na palawakin ng poll body ang kanilang imbestigasyon maging sa mga gubernatorial at vice gubernatorial candidates.
Ayon kay Garcia, tinitigan na rin ng Comelec ang Statement of Contributions and Expenditures ng mga kandidato hanggang sa governor at vice governor.
Sinabi niya na ang mga nasabing contractors ay nagbigay ng donasyon sa ilang kandidato sa Senator, party-lists, governors at vice governors noong 2022 elections.
Ipinagbabawal sa mga contractors sa mga proyekto ng pamahalaan na magbigay ng pondo sa mga kandidato sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Sinabi ni Garcia na susulatan nila ang 52 contractors para pagpaliwanagin ang mga ito.
Ipinunto ng Comelec na may posibilidad na ang ilan sa mga nasabing construction firms ay walang kontrata sa pamahalaan at nagtatrabaho lamang sila sa mga pribadong kliyente.
Kung mapapatunayang guilty, ang mga contractor ay mahaharap sa isa hanggang anim na taon na pagkakakulong.
Para naman sa mga kandidato, bukod sa parehong panahon ng pagkakakulong, mahaharap sila sa perpetual disqualification na sa paghawak sa anomang posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Garcia na para naman sa mga kandidato na may kasalukuyang hinahawakang posisyon, may ibang proseso para sa kanila para sa posibleng pagkakatanggal nila sa posisyon subalit labas na ito sa hurisdiksiyon ng Comelec.