Posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga evacuees sa bayan ng Enrile sakaling umabot sa 11 meters ang lebel ng ilog sa buntun bridge.
Ayon kay Mayor Miguel Decena Jr. ng Enrile Cagayan, sa ngayon ay mayroong 14 families o 47 individuals na evacuees na nakatira sa low lying area.
Aniya, impassable na rin ang daanan sa San Jhose Bunagan Bridge at Barangay Batu sa nasabing bayan habang may mga nabaha na rin na farmland ngunit natapos na ang harvest.
Kapag umabot aniya sa 11 meters ang buntun bridge ay maaaring mabaha rin ang mga centro barangays at eastern barangay.
Bukod dito sinabi rin ni Decena na hindi lamang mga tao ang isinasalba sa mga operasyon, kundi pati na rin ang mga livestock na nasa mabababang lugar.
Sa ngayon, wala pang naiuulat na naanod na livestock, maliban sa isang insidente kaninang umaga kung saan sinubukan ng isang indibidwal na iligtas ang kanyang baka at muntik na ring naanod, subalit mabilis na rumesponde ang mga rescuers.
Nagbigay din ng babala si Decena sa mga residente, partikular sa mga centro barangays, na kung sakaling umabot ang tubig sa 11 metro, maaring maisolate ang limang barangay sa sentro.
Pinaaalalahanan din ni Decena ang lahat na bantayan ang mga bata at huwag payagan magtampisaw sa baha upang maiwasan ang mga sakit gaya ng leptospirosis.