Libu-libong katao ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Marce sa lalawigan ng Cagayan.
As of 8pm kagabi, pumalo na sa halos 30,000 katao mula sa halos sampung libong pamilya ang inilikas mula sa 24 na munisipalidad sa lalawigan.
Karamihan sa mga ito ay naninirahan malapit sa dagat, ilog at paanan ng bundok dahil sa pagbaha at posibleng pagguho ng lupa.
Sa lakas ng hangin kahapon ay hindi nakaligtas ang gusali ng pulisya sa bayan ng Sta. Ana na natanggal ang pintuan habang nabasag naman ang glass door ng munisipyo ng bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Natuklap din ang yero ng bubong ng ilang eskwelahan sa bayan ng Buguey samantalang tinangay din ng malakas na hangin ang isang burger stand sa bayan ng Sta.Ana.
Inilipat naman sa mas ligtas na mga lokasyon ang mga evacuees na naunang inilikas sa Municipal Gymnasium ng bayan ng Pamplona dahil sa lakas ng hangin na naranasan sa lugar dulot ng bagyong Marce.
Binuksan ng mga lokal na parokya ang pintuan ng kanilang simbahan sa mga naturang evacuees samantalang ang ilan ay dinala sa RHU building.
Mananatiling walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan maging sa tanggapan ng gobyerno ngayong araw ng Biyernes.
Ito ay batay sa kautusan ni Governor Manuel Mamba at rekomendasyon ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) bunsod ng matinding nararanasang epekto ng bagyong Marce, at upang matiyak ang kaligtasan ng bawa’t Cagayano.
Bagama’t suspendido ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno, mananatiling bukas ang mga opisinang nasa frontline services gaya ng mga health offices, disaster response operation at iba pang opisinang tutugon sa pangangailangan ng mamamayan sa oras ng sakuna at kalamidad.
Naunang isinailalim sa tropical cyclone wind signal number 4 ang mga bayan ng Gonzaga, Santa Ana, Santa Teresita, Lal-Lo, Buguey, Aparri, Camalaniugan, Gattaran, Ballesteros, Allacapan, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes at Lasam dahil sa bagyong Marce.
Kahapon din ay nagsagawa ng special session ang sanguniang panlungsod kung saan inaprubahan ang resolution na nagdedeklara ng state of calamity sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa pinsala na iniwan ng bagyong Kristine na unang naranasan sa lalawigan ng Cagayan.
Kahapon din ay nagsagawa ng special session ang sanguniang panlungsod kung saan inaprubahan ang resolution na nagdedeklara ng state of calamity sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa pinsala na iniwan ng bagyong Kristine na unang naranasan sa lalawigan ng Cagayan.
Layunin nito na mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan sa iabat ibang sektor.