Umakyat na sa 817 katao ang isinailalim sa forced at preemptive evacuation sa ilang bayan sa lalawigan ng Cagayan habang papalapit ang bagyong Ramon.
Bukod sa mga naunang inilikas sa Sta Praxedes, sinabi ni Atanacio Macalan, head ng PCCDRRMO na naidagdag sa listahan ang mga inilikas na pamilya ngayong araw sa bayan ng Gattaran, Gonzaga, Buguey, Allacapan at Peñablanca dahil sa banta ng landslide at pagbaha.
Inaasahang madadagdagan pa ang mga pamilyang ililikas, bago ang landfall ng bagyo sa bayan ng Sta Ana mamayang gabi hanggang bukas.
Samantala, nagsasagawa na ng clearing operations ang mga otoridad sa nangyaring landslide sa isang bahagi ng provincial road sa Barangay Kapanickian Norte, Allacapan.
Sinabi ni Macalan na tanging mga light vehicles lamang ang pinapayagang makadaan sa naturang lugar.
Sinabi naman ni Buguey Mayor Lloyd Antiporda na nagsagawa na ng sand bagging ang mga residente sa Barangay Paddaya Weste na malapit sa karagatan.
Papalo naman sa 39 pasahero ang stranded na sa mga pantalan sa Cagayan at Batanes.
Kanselado rin ngayong araw ang dalawang domestic flights ng Cebu Pacific na papuntang Tuguegarao City and vice versa.