TUGUEGARAO CITY-Muling naalarma ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City sa panibagong pagtaas ng mga kaso ng impeksyon ng COVID-19 sa mga empleyado nito na umabot na sa halos 100.
Ayon kay CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, umakyat pa sa 97 na kawani ang naka-home quarantine matapos mahawaan ng virus na kinabibilangan ng mga doctors, nurses, nursing aide at staff na posible pang madagdagan dahil sa nagpapatuloy na contact tracing.
Itoy bukod pa sa 19 confirmed cases na naka-confine sa CVMC at tatlong suspected cases na karamihan ay mula sa lalawigan ng Cagayan.
Matatandaan na noong nakaraang Linggo ay sinimulan nang ipatupad ang skeleton workforce sa mga empleyado sa main building ng pagamutan habang pansamantala namang isasara simula ngayong araw ng Lunes ang outpatient department matapos magpositibo ang nasa 15 staff mula sa record section at sa halip ay binuksan na ang online consultations o telemedicine.
Hindi rin aniya nagbago ang health protocol na ipinatutupad sa loob ng pagamutan gaya ng pagsusuot ng facemask at rapid antigen test sa mga pumapasok na pasyente at bantay.