Umabot sa 187 ang kabuuang bilang ng mga batang nabakunahan sa unang bugso ng pediatric vaccination sa hanay ng mga edad 5 hanggang 11 sa Cagayan Valley Medical Center kahapon Pebrero 14.

Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio ng CVMC, karamihan sa mga batang nabakunahan ay anak ng mga staff ng ospital at maganda ang naging partisipasyon nila sa pagsama sa kanilang mga anak upang tumanggap ng bakuna.

Sa nasabing bilang ay 59 dito ang may iba’t-ibang mga comorbidities tulad ng asthma, sakit sa puso, kidney, epilepsy at iba pa.

Bahagi nito ay naglagay aniya sila ng mga telebisyon, mga laruan at iba pang pakulo na maaaring makaagaw sa atensyon ng mga bata upang malibang sa halip na matakot sa bakuna.

Inihayag ni Antonio na sa buong araw na pagsasagawa ng vaccination drive sa nasabing age group ay wala namang naobserbahan na nagkaroon ng adverse effect

-- ADVERTISEMENT --

gayon pa man ay patuloy naman ang kanilang koordinasyon sa mga magulang upang mamonitor ang kondisyon ng mga batang naturukan ng bakuna.

Una rito ay inihayag ng Department of Health na dumaan sa training para sa tamang gabay ang lahat ng mga pediatrician na nagsasagawa ngayon ng pagtuturok ng bakuna sa mga bata.

Sinabi ni Antonio na kasabay ng pag-arangkada ng vaccination drive sa mga edad 5-11 ay patuloy din ang pagtanggap ng CVMC ng mga walk in clients na nais magpabakuna ng 1st at 2nd dose maging ng boostershot.