TUGUEGARAO CITY-Umakyat na sa 43 ang bilang ng mga namatay sa coronavirus disease 2019 (covid-19) sa Rehiyon dos.
Ito’y matapos makapagtala ng isang bagong casualty sa probinsya ng Isabela partikular sa Cauayan City na si CV 2854 na isang 59-anyos.
Batay sa datos na ibinahagi ng Department of Health (DOH)-Region 02, nasa 26 ang bagong naitalang kaso ng virus kung saan 22 dito ay mula sa Isabela, dalawa sa Santiago City at tig-isa sa Cagayan at Nueva Vizcaya.
Umabot naman sa 11 ang bagong nakarekober mula sa virus, siyam dito ay mula sa Isabela habang tig-isa sa Cagayan at Santiago City.
Kaugnay nito, nasa 2,856 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng covid-19 sa rehiyon kung saan pinakamarami may naitala ang probinsya ng Isabela na may 1,385 sunod ang Cagayan na 709, Nueva Vizcaya na 616, Santiago City na 138, Quirino na anim at dalawa sa Batanes.
Ang aktibong kaso ng covid-19 sa rehiyon ay nasa 387 kung saan 67.4 percent dito ay asymptomatic, 30.2 percent ay mild at 2.4 percent ang severe condition.
Samantala, nasa 32 kumpirmadong kaso ng virus ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan 18 dito ay galing sa Cagayan, 12 sa Isabela at dalawa ang mula sa Cordillera region.
Bukod dito, apat na suspect cases din ang nasa CVMC na galing sa Cagayan at Batanes.