TUGUEGARAO CITY-Umakyat na sa pito ang namatay dahil sa covid 19 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ito ay matapos binawian ng buhay si CV 945, 73-taong gulang na babae mula sa Brgy. Quirino, Bagabag, Nueva Vizcaya batay sa kumpirmasyon ng Provincial Health Office.

Ayon kay Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Office ng Nueva Vizcaya, inaalam kung mayroong exposure ang pasyente na dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) matapos na makaranas ng ubo at lagnat nitong Setyembre a-tres.

Binawian ng buhay ang pasyente nitong Setyembre 4, 2020 kung saan lumabas sa resulta ng kanyang swab test na positibo sa virus.

Dahil dito, umabot na sa 11 ang death cases sa covid 19 sa rehiyon kung saan pito sa Nueva Vizcaya habang tig-dalawa sa Isabela at Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Iniulat din ni Dr. Galapon na negatibo sa covid-19 ang lahat ng Sangguniang Panlalawigan Members at mga Staff na sumailalim sa swab test matapos magkaroon ng direct contact kay CV 833 o si Board Member Eunice Galima-Gambol noong nakaraang linggo.

Negatibo din sa Rapid Test ang lahat ng kawani ng Provincial Planning and Development Office at Provincial Engineering Office na parehong nasa loob ng People’s Hall o ang gusali kung nasaan din ang tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan.

Dagdag pa ni Dr. Galapon, ang lahat ng immediate family ni Board Member Gambol na kanyang nakasalamuha ay negatibo rin sa kanilang swab test.

Maging si Governor Carlos Padilla ay negatibo rin sa kanyang swab test.

Sa ngayon, nasa 197 ang active case ng covid 19 sa nasabing probinsiya. with reports from Bombo Marvin Cangcang