Umaabot na sa mahigit 150 na katao ang namatay sa malakas na lindol sa Thailand at Myanmar kahapon.
Ayon sa mga awtoridad, maraming mga gusali at iba pang imprastraktura ang gumuho, kabilang ang ginagawa pa na skycraper sa Thailand.
Karamihan sa mga pinsala ay naitala sa Mandalay, ang pangalawang pinakamalaking lungsod ng Myanmar, kung saan malapit ang epicentre ng 7.7 magnitude na lindol kahapon ng hapon at sinundan ng malakas na aftershock at maraming bahagyang malakas na mga pagyanig.
Sinabi ng isang rescuer sa Myanmar, ito ang pinakamalakas na lindol na kanyang naranasan.
Ayon sa kanya, 30 bangkay ang nakuha sa gumuho na multi-story apartments sa Amarapura, isang sinaunang lungsod at ngayon ay isang bayan sa Mandalay.
Sinabi naman ni General Min Aung Hlaing, lider ng military junta ng Myanmar, inaasahan nila ang mas marami pang casualties at umapela siya ng tulong mula sa ibang bansa.
Ayon naman kay US President Donald Trump, nakausap na niya ang mga opisyal ng Myanmar at nangako na magbibigay ng tulong.
Sa Bangkok, Thailand, sinabi ng isang opisyal na nasa siyam na katao ang namatay sa mga gumuhong mga gusali, at patuloy ang paghahanap ng survivors.
Ang Mandalay na may populasyon na 1.5 million, ay isang sinaunang royal capital at sentro ng kanilang Buddhist heartland.
Sinisikap ng rescue workers na mailigtas ang maraming monks na naipit sa ilalim ng guho sa Phaya Taung Monastery.
Sinabi naman ni UN Secretary-General Antonio Guterres na kumikilos na ang United Nations sa Southeast Asia para tulungan ang mga apektado sa nasabing malakas na lindol.