Umakyat na sa 13 katao ang naitalang death toll sa pananalasa ng bagyong Enteng habang umabot naman sa 240,000 ang naapektuhan ng mga pagbaha sa mga nasalantang rehiyon partikular na sa National Capital Region (NCR) at CALABARZON, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay OCD Spokesman Edgar Posadas, walo sa mga nasawi ay mula sa lalawigan ng Rizal, tatlo sa Bicol Region at dalawa mula sa Central Visayas o Cebu.

Samantala sa Cebu, ang dalawang nasawi ay nabagsakan ng gumuhong pader habang sa Bicol ay tatlo rin ang nasawi sa pagkalunod sa Naga City, Camarines Sur kabilang ang isang sanggol na babae na kanilang kinukumpirma sa Regional Office.

Ayon kay Posadas, 10 katao naman ang nasugatan sa Cebu.

Sinabi ni Posadas na sa kabuuan ng mga rehiyong nasalanta ni Enteng ay nasa 62,959 pamilya o nasa 240,000 katao ang naapektuhan kung saan pinakamarami dito ay sa Region V na nasa 22,220 pamilya; Region III, 18,092 habang sa NCR ay 10,000 pamilya. Ang iba pang mga apektadong lugar ay ang Central at Eastern Visayas Region.

-- ADVERTISEMENT --