
Umakyat na sa 61 ang namatay dahil sa 6.9 magnitude na lindol sa probinsiya ng Cebu kagabi, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ang epicenter ng lidol ay sa Bogo City, kung saan 27 katao ang kumpirmadong namatay.
Naging emosyonal si Governor Pamela Baricuatro nang bisitahin niya ang Cebu Provincial Hospital sa Bogo, kung saan nagkaroon ng aftershocks.
Idineklara na kanina ang state of calamity sa Cebu para sa mabilis na paglalabas ng calamity funds at mapabilis ang response operations.
Una rito, nagdeklara ang bayan ng Medellin ng state of calamity matapos na magkaroon ng pinsala ang kanilang Municipal Hall at annex building.
Sinuspindi na rin ang lahat ng pasok sa 43 local government units bilang bahagi ng precautionary measures habang isinasailalim sa safety inspection ang mga paaralan at public infrastructures.