Inihayag ng Philippine Nurses Association of America (PNAA) na mas matagal ngayon ang paghihintay ng mga Pilipinong nurse na magkapagtrabaho sa Amerika dahil matagal na bago mailabas ang kanilang mga visa na inaabot ng taon ang iba.

Sinabi ni PNAA President Dr. Marlon Saria, na ang mas mahigpit na patakaran sa immigration ng administrasyong Trump ay hindi naman direktang nakaapekto sa mga nurse na Pinoy, ngunit maaaring may epekto sa pagproseso ng mga visa application.

Ayon kay Saria, ang mas matagal kaysa karaniwang waiting time sa visa, ay maaaring nagdulot “ripple effects” sa health care sector ng US.

Sinabi rin niya na ang mas mahabang visa processing ay maaaring nakapag-ambag na sa kakulangan ng mga nurse sa ilang ospital sa Amerika na lubhang nangangailangan ng nursing manpower.

Kabilang ang kakulangan ng staff sa mga pangunahing isyung inilabas ng mahigit 1,000 Pilipinong nurse na lumahok kamakailan sa isang malawakang hospital strike sa New York City.

-- ADVERTISEMENT --

Nangyari ito matapos mabigo ang negosasyon hinggil sa mas mataas na sahod, mas maayos na benepisyo sa kalusugan, kaligtasan, at isyu sa staffing.

Sinabi ng PNAA chief na bagama’t hindi makapagkokomento ang organisasyon tungkol sa lokal na healthcare system at nursing situation sa New York City, nauunawaan naman nila ang mga usapin na inilabas sa nasabing protesta.