Tumataas na umano ang turn out o bilang ng mga senior citizens na nagpabakuna kontra COVID-19 sa Tuguegarao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. James Guzman ng City Health Office na sa nakalipas na limang araw sa nagpapatuloy na roll-out ng bakuna ay umabot sa mahigit dalawang libo ang nabakunahan sa ilalim ng A2 priority.
Umaasa naman ito na magpapatuloy ang mataas na acceptance ng mga residente sa bakuna.
Samantala, napag-usapan na rin ng Commitee on Health ang panukalang ordinansa na house-to-house na pagbabakuna sa mga senior citizen at mga may sakit na hindi na kayang magbiyahe para magpunta sa vaccination sites.
Hindi man sapilitan ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay iginiit ni Guzman na dapat samantalahin ito lalo na ng mga nasa priority group bilang proteksyon sa kanilang sarili.
Pagtitiyak ng duktor na ligtas ang mga bakuna dahil ang bawat COVID-19 vaccine ng pamahalaan ay dumaan sa pagsusuri ng Food and Drug Administration.