Limitado lamang sa 100 katao ang pinapayagan munang mamasyal sa Palaui Island Protected Landscape at Seascape Area kasabay ng muling pagbubukas ng eco-tourism industry sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Sa panayam kay Gwendolyn Bambalan, direktor ng Department of Environment and Natural Resources, sinabi niya na ito ay bahagi pa rin ng pag-iingat bagamat bumaba na sa alert level 1 ang status ng maraming lugar sa bansa.
Aniya, batay sa isinagawa nilang pagpupulong sa pangunguna ng Palaui Island Management Board at ng LGU Sta. Ana ay napagkasunduan na ang Cape Enganio lamang muna ang binuksan sa mga turista tuwing araw lamang at hindi pa pinapayagan ang pamamasyal sa gabi.
Hindi rin muna nila binuksan ang bahagi ng ‘Punta Verde’ at iba pang maaaring dagsain ng turista sa Palaui upang makontrol ang galaw ng mga namamasyal.
Bahagi ng mga binalangkas na polisiya para sa kaligtasan ng turista at ng mga local na residente ay dapat na fully vaccinated ang lahat ng bangka operators at rehistrado sa Maritime Industry Authority ang kinakailangang mag-operate.
Bukod sa mga health and safety protocols ay mahigpit ding ipinagbabawal ang paninigarilyo upang makaiwas sa sunog, pagpitas ng mga bulaklak at halaman at dapat na napapanatili ang kalinisan ng lugar.
Inihayag din ng direktor na kasabay ng pagsasara ng sektor ng turismo noong nakaraang taon ay naglaan sila ng P4.7M na pondo na ginagamit ngayon upang maisaayos at pagtatayo ng karagdagang pasilidad upang mapaunlad ang lugar at makapang-akit pa ng maraming turista.
Kabilang aniya sa mga naayos na ay ang mga step ladder, pagpapasimento ng mga railings, pagtatayo ng mga restroom, habang kasalukuyan din ang pagsasaayos ng kanilang pasalubong center, pagtatayo ng Information Center at iba pa.
Paliwanag ni Bambalan, mahalaga na maisaayos ang mga polisiya at pasilidad kasabay ng pagbubukas ng sektor ng turismo upang makatulong sa muling pagpapa-unlad sa ekonomiya ng bansa at ang muling pag-angat ng kabuhayan ng mga lokal na residente ngunit dapat ay naikukunsidera pa rin ang kaligtasan ng publiko lalo na sa gitna ng pandemya.